Tuesday, January 13, 2004

Paalam My Dearest Kumpareng Carlo.

Hanggang ngayon ay parang panaginip pa rin sa akin ang nangyari sa aking mahal na kumpare. Hindi pa rin ako makapaniwala na wala na siya, na hindi na kami magkikita pang muli dito sa lupa at hindi na mauulit ang mga masasayang araw na aming pinagsamahan. Simula nang mabalitaan ko na malubha ang kanyang kalagayan, wala na akong ginawa kung hindi ang magdasal para sa kanyang ikagagaling.

Napakabuti niyang kaibigan. Sariwang-sariwa pa sa aking alaala at hinding-hindi ko makakalimutan ang aming pinagsamahan simula noong pumasok ako sa ICI nung Nobyembre 1989. Sa loob ng 13 taon na ito, lubos kong nakilala kung gaano siya kabuting tao. Matulungin, maalalahanin, maasikaso, lahat na ata ay nasa kanya na. Magkasama kami sa Sales Department noon. Lalo kaming naging close sa isa’t-isa nung naging magkumpare kami sa anak nila ni Marie na si Karin. Sa Malabon pa sila nakatira noon. Kapag may okasyon, isa ako sa hindi niya nakakalimutan.

Nagtutulungan kami sa pag-aasikaso ng aming mga cliente. Napakagaling niyang makisama, siya ang taong napakagaan ng loob at napakadaling pakisamahan. Magkasama pa kami noon sa America na dumalo sa isang seminar. Pareho pa kaming na-homesick noon at napaaga ang aming pag-uwi. Parang kailan lang yon. Kung sino ang may malaking commission sa amin siguradong may blow-out. Napakasarap ng mga sandaling iyon.

Noong despedida nga ni Pareng Jay, nandoon kami nina Pareng Carlo kasama ang pamilya. Masayang nagsalo-salo. At pagkatapos doon ay sa sama-sama kaming natulog sa bahay ng kapatid ko sa Maia Alta, Antipolo. Para kaming isang "happy family". At kinabukasan pa noon ay nag blow-out pa siya sa bahay kawayan restaurant sa may Taytay, Rizal. Napakagalante ni Pareng Carlo.

Sa tuwing kaarawan niya, siguradong bongga ang kanyang handa at siguradong ako ay iimbitahin. Noong nakaraang taon nga na ika-40 taon birthday niya, bagama't malayo sa aming lugar ay pinilit kong makadalo at isinama ko pa ang isa niyang matalik na kaibigan na kaklase pa niya noong college. Dumalo din ang iba pa niyang kaklase. Ay totoo nga na napakasaya ni Pareng Carlo noon. Parang naging reunion na rin nilang magkakaklase ang araw na yaon. Sa tuwing birhtday ko rin, madaling araw pa ay binabati na ako.

Dumating ang panahon na kami ay pupunta na ng Canada, parang ang hirap lumayo sa isang tunay na kaibigan. Pinabaunan pa niya ako ng pantalon, polo shirt at jackie briefs. Papunta na lang kami sa airport, siya pa rin ay ka-text ko. Plano nga namin na sa aming pagbalik sa Pilipinas ay sa kanya kami magpapasundo. Paano na ngayon, di na mangyayari. Nandito na kami sa Canada ay siya pa rin ang naasahan ko sa mga kinailangan kong document bago siya naospital. Tunay na kaibigan ka talaga Dre.

Ilang beses akong tumawag sa ospital para marinig man lang ang kanyang boses, subali't di ako pinalad dahil hindi pa pala siya puedeng magsalita. Si Mareng Marie ang aking kausap at ramdam ko sa kanya kung gaano kahirap ang kanyang kalagayan kahit di ko siya nakikita. At nung araw na ibalita sa akin na wala na siya, parang tubig na bumuhos ang aking luha sapagkat di na pala kami muling magkikita ng aking napakabait na kumpare. Napakabata pa niya.

Sa kanyang paglisan, dalangin ko sa Poong Maykapal, na huwag pabayaan ang kanyang iniwang mga mahal sa buhay, ang kanyang asawang si Marie na napakalambing, at ang kanilang tatlong anak na sina Rap-rap, Karin at Carl.

Dre, kung saan ka man naroon ngayon, alam ko maligaya ka dahil marami kaming pinaligaya mo. Alam ko na magkikita din tayo pagdating ng panahon.

Paalam pare ko.... paalam....

Pareng Dindo

No comments: