Wednesday, January 14, 2004

Ayoko na sanang maalala pero eto at namumugto na rin ang mga mata ko. Kapag nakikita ko ang picture nya, napapapikit ako at naiisip na buhay pa siya. Kahit papano, marami na rin kaming pinagsamahan ni pareng Carlo, inaanak ko pa ang bunso niyang si Carl. Bago siya naoperahan, nakausap ko pa siya sa mobile phone ni mareng Marie at iinom nga daw kami pag magaling na siya. Di na kailan man mangyayari yun. Dinalaw ko siya nung naoperahan na, dala ko pa anak ko at asawa pero di ko na sila pinapasok for health reasons, ako na lang. Di kami nakapag-usap dahil nasa ICU siya at that time. Si Marie na lang ang kinausap ko (na nasa chapel noon). Malaki ang ipinayat ni Marie nung makita ko. Niyapos ako at gustong umiyak pero inalo ko siya (pero parang gusto ko na ring bumigay). Napag-usapan namin ang tungkol sa sakit ni Carlo na siya na lang ang di nakakaalam. Di naman natin masisisi ang iba para na rin sa kapakanan niya, dahil mahina ang puso niya. Umalis ako na di man lang siya nakita. Hanggang sa nabalitaan ko kay Nel na WALA na nga siya. Dumalaw ako sa burol last Sunday. Nakita ko ang mukha niya, nakangiti. Para bang wala siyang naramdamang sakit.

Nung huling chapter ko sa ICI, madalas kaming magkasama ni pareng Carlo. Lahat ng nakukuha niyang projects na may kinalaman sa installation and programming, ako ang umaayos. Minsan, dinalaw niya ako sa planta, sa URC Cavite. Pagkatapos ng trabaho ko, isinama niya ako (at isang ICI technician) sa Chinese resto na malapit lang din doon. Inorder niya ang lahat ng pagkain na alam niyang masarap. Hindi siya matipid. Nabundat ako sa busog. Minsan, nag-aagawan pa kami sa tirang malalaking buto para sa pagkain ng aso niya at ng aso ni Jay na si Datu. Nagtatawanan kami dahil para kaming mga bata na nag-aagawan. Madalas sasakyan niya ang gamit namin kung bibisita kami sa mga clients. Siya ang driver, ako yung natutulog. Minsan, pinipilit ko ring di makatulog dahil wala siyang makausap. Ni minsan ay di niya ako pinag-drive. Ang katuwiran niya, mahirap iniisip ang trabaho tsaka pagmamaneho. Hindi ka niya pababayaan. Kahit hindi ka niya ka-departamento, mas masahol pa sa ka-opisina ang turing sa yo. Ito ang isang bagay na di ko malilimutan sa kanya.

Minsan uli, pine-pressure nya ako sa isa sa mga projects nya. Siyempre, pareho kaming pressured, nagkairingan kami. Bandang huli, pumunta siya sa cubicle ko at bibiruin na ako. Magtatawanan na lang kami pagkatapos. Hindi siya mahirap makasama, wika nga. Wala siyang ere sa katawan. Plano naming gumawa ng maliit na business para may karagdagang kita para sa pamilya. Siya kasi yung may contact kaya sa kanya lang ako nagtatanong kung kelan kami puwede. Puhunan na lang ang kulang para masimulan at pareho kaming nag-iipon. Di na yun matutuloy.

Maraming mga samahang punung-puno ng kasiyahan, tawanan, harutan, inuman. Sayang nga lang at di nadagdagan noong mga huling yugto ko sa ICI dahil kailangan na raw magtipid. Pero lahat naman yun ay matamis na alaala na we can treasure within our hearts. Mga samahang kahit nagkahiwa-hiwalay na ay buhay pa rin sa ating diwa.

Bakit nga naman nauuna pa yung mga taong mabubuti kesa masasama? Hindi talaga natin sakop kung sino ang mauuna sa atin. Mangyayari ang lahat ng bagay in order for the MASTER PLAN to succeed. Kung anuman yun, malalaman lang siguro natin pag tayo ay namayapa na rin o kung lahat ng tao ay wala na sa mundo. It does not matter if you were good or bad when you were still alive. Meron din namang masasama na nauuna din kesa sa mabubuti.

Gusto ko lang magpasalamat, kahit man lang sa ganitong paraan, sa lahat na naitulong sa akin ng kumpare ko, malaki man o maliit. Sana, may computers din sa langit para mabasa niya itong isinusulat ko.


May you rest in peace pareng Carlo,

-Ting

No comments: